326 Candidate Soldiers ng 5th Infantry Division, Nagsimula na ang Military Training

Cauayan City, Isabela- Nagsimula ng magsanay ang nasa 326 na Philippine Army Candidate Soldier Course Class 671 at 672-2021 na tatagal ng anim (6) na buwan sa 5th Division Training School, Camp Melchor F Dela Cruz, Upi, Gamu, Isabela.

Mula sa naturang bilang, 84 ang mula sa Isabela, 83 sa Cagayan, 80 ang mula naman sa Kalinga, 18 sa Mt. Province, 17 sa Ifugao at 9 naman sa Apayao.

Habang mayroon namang tiglima mula sa Quirino at Nueva Vizcaya, 4 sa Nueva Ecija, tig-tatlo naman sa sa North Cotabato at Ilocos Norte; tig-dalawa naman mula sa probinsya ng Tarlac at Lau Union habang tig-isa naman sa Ilocos Sur, Cavite, Bukidnon, Bataan, Bulacan, at Zamboanga Del Sur.


Nagbigay naman ng mensahe si MGen. Laurence Mina, Commander ng 5th Infantry Division sa pagsisimula ng kanilang pagsasanay at kanyang ipinahayag na sa pamamagitan ng pagsasanay ay mahahasa ang kanilang kakayahan at maihanda ang kanilang sarili para sa serbisyong kanilang tinahak.

Binigyang diin rin ng heneral na ang isa sa importanteng bagay na kanilang dapat na matutunan sa pagsasanay na ito ay ang pag-uugali tungo sa kanilang serbisyo.

Sinabi rin niya na palawakin ang kanilang kaalaman sa training na ito dahil magsisilbi itong pundasyon sa pagiging isang professional at world-class soldiers.

Malaking responsibilidad aniya ang naghihintay sa kanila habang sinasagot nila ang panawagang maglingkod sa bansa upang mabigyang katuparan ang minimithing serbisyo para sa bayan.

Umaasa rin ang heneral na ilang buwan mula ngayon ay lalabas bilang mga sundalo ng 5th Infantry (Star) Division at mapabilang sa mga kilalang Startrooper Enlisted Personnel.

Dagdag dito, ipinahayag ni MGen. Mina ang kanyang pasasalamat sa mga magulang at mga mahal sa buhay sa pagsuporta sa kanilang mga anak at paghimok na maging miyembro ng Philippine Army.

Facebook Comments