Nag-adjourn sine die o tuluyan nang nagsara ang First Regular Session ng 19th Congress at muling magbubukas sa July 24, 2023 kasabay ng ikalawang State of the Nation Address ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.
Sa kaniyang talumpati ay ibinida ni House Speaker Martin Romualdez na umabot sa 33 sa 42 na Legislative-Executive Development Advisory Council o LEDAC priority measure ng Marcos Jr., administration ang kanilang napagtibay sa ikatlo at huling pag-basa.
Pinasalamatan din ni Romualdez ang masisipag at responsableng miyembro ng Kamara kaya sa kabuuan ng First Regular Session ay nakapaghain sila ng 8,490 na panukala at 1,109 na resolusyon.
Dagdag pa ni Romualdez, inaksyunan din ng Kamara ang ilang isyu tulad ng mataas na presyo ng sibuyas na nadiskubreng kagagawan ng kartel.
Kinilala naman ng Kamara ang natatanging pamumuno ni Speaker Romualdez na nagresulta sa pagpasa ng mga mahahalagang panukalang batas na makatutulong sa pag-unlad ng bansa at pagpapabuti sa buhay ng mga Pilipino.
Ang pagkilala ay nakapaloob sa pinagtibay na House Resolution No. 1055 na ini-aksa nina Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe at Minority Leader Marcelino “Nonoy” Libanan.
Nakasaad sa resolusyon na exceptional, reformative, at effective ang leadership ni Speaker Romualdez na siyang nagtulak din sa mga miyembro ng Kamara upang magtrabaho na nagresulta sa magandang performance.
Kinilala rin ng resolusyon ang naging papel ni Speaker Romualdez kaya naitayo ang “E-Congress,” na isang digital collaboration ng Kamara at Senado para maipabatid sa publiko ang kanilang ginagawa at mahikayat ang mga ito na lumahok sa paggawa ng batas.
Pinuri din sa resolusyon ang pagiging aktibo ng Kamara na agarang magbigay ng tulong sa mga nabibiktima ng kalamidad at sakuna.