
Naaresto ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa magkakahiwalay na operasyon nitong Mayo ang mahigit 30 katao na wanted sa iba’t ibang kaso ng cybercrime.
Ayon kay ACG Director Police Brigadier General Bernard Yang, kabuuang 33 suspek ang nahuli sa bisa ng mga warrant of arrest na inilabas ng korte dahil sa mga cybercrime violations.
Sa mga naaresto, 10 ang kinasuhan ng cyber libel, habang 23 naman ang sangkot sa estafa, paglabag sa Anti-Photo and Video Voyeurism Act, pagbebenta ng ilegal na paputok, trafficking in persons, at pamemeke ng mga dokumento.
Sinabi ni Yang na bahagi ito ng pinaigting na kampanya ng PNP-ACG upang mapanatiling ligtas ang cyberspace sa harap ng dumaraming online scam at iba pang uri ng digital na panlilinlang.









