Ipinag-utos na ni United States President Donald Trump na itigil na ang pag-pondo sa World Health Organization (WHO) dahil sa ginagawa nitong paghawak sa krisis ng Coronavirus Disease 2019 o COVID-19 pandemic.
Ayon kay Trump, nabigo ang W.H.O sa kanilang tungkulin at dapat din silang mapanagot sa nangyaring pagkalat ng COVID-19 sa buong mundo dahil sa kanilang ginawang pag-cover up ukol sa virus.
Bukod dito, inaakusahan din ni Trump ang W.H.O na masyadong bias sa China dahil sa kanilang pagtutol nang magpatupad ang U.S. ng travel ban sa China na hindi naman umano niya sinunod.
Nabatid na ang Estados Unidos ang pinakamalaking pinagkukunan ng pondo ng W.H.O na naka-base naman sa Geneva, Switzerland.
Sa ngayon ay nasa higit 605,193 na ang bilang ng nagpositibo sa Amerika kung saan sa nasabing bilang ay higit 25,757 ang nasawi dahil sa COVID-19.