Nananatili pa rin sa Julian Felipe Reef sa West Philippines Sea ang nasa 34 na Chinese Maritime Militia vessels.
Ito ay batay sa bagong sovereignty patrol report ng National Task Force for the West Philippines Sea (NTF-WPS).
Ayon kay National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., ang mga Chinese vessels ay bahagi ng kabuoang 287 maritime militia vessels na nakakalat sa WPS.
Ilan sa mga barko ng Tsina ay nakita sa mga artificial island na itinayo ng China habang may ilang barko na naispatang malapit sa mga islang inookupa ng Pilipinas.
Iginiit ni Esperon na bahagi ng Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas ang Julian Felipe Reef, na 175 nautical miles mula Bataraza, Palawan.
Patuloy na gagawin ng Pilipinas ang maritime exercises nito sa West Philippines Sea kabilang ang paglalayag ng mga barko ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).