35-anyos na lalaking taga-Cebu at naka-quarantine sa Quezon City, nagpositibo sa UK variant

Nagpositibo sa UK variant ng COVID-19 ang isang 35-anyos na lalaki na taga-Liloan sa Cebu.

Ayon sa Department of Health, ang nasabing lalaki ay pansamantalang naninirahan sa Riverside, Brgy. Commonwealth, Quezon City kung saan isasagawa ang contact tracing at testing.

Naka-quarantine na dahil sa COVID-19 sa isang apartment ang lalaki kasama ang isa pa at ang samples niya ay na-sequence na sa Philippine Genome Center.


Agad ding ililipat ang nasabing lalaki sa Hope Facility.

Nabatid na dumating sa bansa ang lalaki na isang OFW noong August 2020 mula sa South Korea at nanatili sa Cebu.

Ika-17 ng Nobyembre nang lumipat ng Sucat, Parañaque at ilang beses itong nagtungo sa isang manning agency sa Malate, Maynila.

Habang naghihintay ng kanyang deployment, sumakay ang lalaki ng taxi at nanatili sa isang hotel sa Maynila noong ika-17 ng Enero.

Sumalang ito sa swab test sa Pasay City sa parehong araw at kinabukasan ay nasabihang positibo sa COVID-19.

Ika-21 ng Enero ay dinala na ito sa isang apartment sa Riverside.

Facebook Comments