35-hour work week sa mga empleyado ng private sector, lusot na sa ikalawang pagbasa

Inaprubahan na sa ikalawang pagbasa ang panukala para sa 35-hour working week scheme bilang alternative work arrangement sa mga empleyado sa pribadong sektor.

Sa ilalim ng House Bill 309 na inihain ni Albay Rep. Joey Salceda, ay binabawasan sa 35 oras kada linggo ang trabaho ng mga empleyado sa private sector.

Naniniwala si Salceda na ang pagbabawas sa oras ng trabaho ng mga nasa private sector ay magreresulta sa masaya at malusog na mga workers, magpapasigla sa ekonomiya ng bansa, at makakabawas sa matinding traffic sa Metro Manila.


Tinukoy sa panukala ang ilang mga pag-aaral na ang mga bansang may flexible work week ay nakapagpapataas ng productivity ng mga empleyado at ang ekonomiya ang nagbebenepisyo rito sa katagalan.

Sa ilalim ng panukala ay binibigyan ng option ang mga employers na magpatupad ng 35-hour work week schedule kung hihilingin ng isang empleyado.

Ang mga empleyado naman na nasa ilalim ng 35-hour workweek schedule ay pantay pa rin ang work load tulad sa ibang empleyado at entitled pa rin ang mga ito sa overtime at night differential pay rates, rest days, at terms and conditions sa working arrangements.

Facebook Comments