Inihain ni House Committee on Ways and Means Chairman Joey Salceda ang House Bill 656 at House Bill 657 o panukalang 35-oras na “workweek” para sa mga kawani ng pribadong sektor at pampublikong sektor, bilang alternatibong work arrangement.
Layunin ng panukala ni Salceda na maging mas matatag ang ekonomiya at maging mas masaya ang mga mangagagawa dahil mababawasan ang oras nila sa trabaho at mas hahaba ang panahon na makasama ang pamilya.
Paliwanag ni Salceda, sa mas maikling oras ng pasok ng mga manggagawa ay makakatipid sa kuryente at tubig; mababawasan ang mga sasakyan na bumibiyahe sa mga lansangan lalo na kapag “rush hours;” at makakatulong din sa kalusugan ng mga empleyado dahil mababawasan ang kanilang stress at iba pa.
Ayon kay Salceda, dapat matiyak na ang mga kawani na nasa ilalim ng 35-oras na trabaho sa loobg isang linggo ay makatatanggap pa rin ng sweldo, kasama ang overtime pay, night shift deferential at iba pang benepisyo, na hindi bababa sa itinatakda ng batas at “collective bargaining agreements.”