36-anyos na Lalaki, Arestado matapos Makumpiskahan ng Baril at Droga

Cauayan City, Isabela- Arestado ang isang 36-anyos na lalaki matapos mahulihan ng hindi lisensyadong baril at nakumpiskahan ng iligal na droga matapos isilbi sa kanya ang search warrant sa kanyang tahanan sa Brgy. Capirpirwan, Cordon, Isabela kahapon, Oktubre 5, 2021.

Batay sa ulat ng PNP Cordon, kinilala ang suspek na si Teody Catabay.

Lumalabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad, isang concerned citizen ang nagpaabot ng impormasyon sa pulisya na nag-iingat ng hindi lisensyadong baril ang suspek.


Magkatuwang na ginalugad ng mga kasapi ng Santiago City Field Unit ng CIDG Regional Field Unit 2, Regional Operations Unit 2, Provincial Intelligence Unit at Cordon Police Station, Isabela Police Provincial Office ang loob ng bahay ng suspek kung saan tumambad sa kanila ang isang cal. 22 rifle, apat na piraso na bala ng cal. 22, isang homemade shotgun, isang piraso ng gauge 12 na bala at isang fragmentation hand grenade.

Nakuha rin sa kanya ang dalawang pirasong plastic sachet na naglalaman ng tuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P1, 500.00.

Si Catabay ay nasa kustodiya ngayon ng CIDG Santiago para sa dokumentasyon para sa kasong paglabag sa RA 9165, RA 10591 at RA 9516.

Facebook Comments