37 Pulis sa Cagayan Valley, Positibo sa COVID-19

Cauayan City, Isabela- Umaabot sa tatlumpu’t pitong (37) pulis na positibo sa COVID-19 ang naitala ng Rehiyon dos.

Ito ang ibinahaging impormasyon ni PLt/Col Andree Abella, tagapagsalita ng Police Regional Office (PRO) 2 sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.

Ang 37 na mga pulis na positibo sa COVID-19 ay naitala sa iba’t-ibang probinsya sa rehiyon kung saan pinakamarami ang naitala sa probinsya ng Cagayan.


Halos asymptomatic o walang nararamdamang sintomas ng COVID-19 ang mga pulis na nagpositibo na kasalukuyang binabantayan at nagpapagaling sa designated quarantine facilities.

Ayon pa kay PltCol Abella, hindi maiwasan ang pagkakaroon ng sakit ngayon lalo na ang pagkakahawa sa COVID-19 dahil na rin sa estado ng kanilang trabaho.

Sa kasalukuyan, sumasailalim pa rin sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Lungsod ng Tuguegarao na magtatapos sa ika-29 ng Enero 2021.

Samantala, pinangunahan naman ni PltGen Guillermo Eleazar ngayong araw, Enero 21, 2021 ang pagpapasinaya sa bagong himpilan ng PNP Lal-lo sa probinsya ng Cagayan matapos ang pagbisita nito sa inagurasyon at pagbabasbas rin sa bagong himpilan ng Alicia Police Station sa Isabela.

Sinabi ni PltCol Abella na nagpapatuloy pa rin ang modernization program ng PNP para makapaghatid ng mas maayos na serbisyo sa publiko kung saan mayroon pa rin mangilan-ngilan na himpilan ng pulisya sa rehiyon ang kailangang palitan.

Facebook Comments