Tinatayang aabot sa 3,700 miyembro ng New People’s Army (NPA) at 600 local terrorists ang nananatiling aktibo sa gitna ng pinaigting na operasyon ng militar.
Ito ang sinabi ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Gilbert Gapay kasabay ng pangakong tatapusin ang problema sa terorismo at rebelyon bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa 2022.
Bagamat hamon sa kanila ang kasalukuyang bilang ng mga kalaban, iginiit ni Gapay na patuloy na humihina ang pwersa ng mga ito.
Aniya, papaunti ang bilang ng isinasagawa nilang pag-atake ngayong taon kumpara sa mga nagdaang taon.
Aabot lamang sa 70 insidente ng pag-atake ng NPA at local terrorist groups ang naitala ng AFP noong 2020, 30% na mababa kumpara sa 130 recorded incidents noong 2019.
Ang pagkamatay at pag-aresto sa ilang matataas na communists at terrorists leaders ay nakaapekto sa galaw ng mga ito.