Nakiisa ang kabuuang 376 micro, small, and medium enterprises (MSMEs) sa pagbubukas ng Ilocos Sur Trade and Food Fair bilang bahagi ng Ilocos Sur Festival 2026 na ginanap sa Govantes Dike and Boardwalk sa Vigan City noong Linggo, Pebrero 1.
Tampok sa trade and food fair ang mga exhibitor mula sa iba’t ibang bayan at lungsod ng lalawigan, kabilang ang mga booth ng mga lokal na pamahalaan na nagtatampok ng kani-kanilang One Town, One Product (OTOP) initiatives.
Ipinamalas sa nasabing aktibidad ang iba’t ibang produkto gaya ng pagkain, pananim, halaman, muwebles, at iba pang lokal na likha mula sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon.
Pinangunahan ng gobernador ng lalawigan ang ribbon-cutting ceremony at booth tour kasama ang kinatawan ng Department of Trade and Industry (DTI) na nagsilbing panauhing pandangal at tagapagsalita ng programa.
Binigyang-diin ng DTI ang patuloy na suporta ng ahensya, katuwang ang pamahalaang panlalawigan at iba pang partner agencies, sa pagpapaunlad ng MSMEs mula sa product development, quality upgrading, packaging at labeling, branding, regulatory compliance, hanggang sa market access kabilang ang partisipasyon sa mga trade fair at export platforms.
Ayon pa sa DTI, mahalagang papel ang ginagampanan ng MSMEs sa pagpapalago ng komunidad at sa pagpapatatag ng ekonomiya ng lalawigan.
Tatagal ang Ilocos Sur Trade and Food Fair hanggang Pebrero 12 at bukas ito sa publiko araw-araw mula alas-8 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi.







