Nakapagpasa na ng kumpletong line lists at daily accomplishment reports ang nasa 38 mula sa 42 certified laboratories sa bansa.
Layunin nitong mabawasan ang case validation backlogs.
Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang apat na natitirang laboratoryo ay inaasahang makakapagsumite ng kanilang report bukas, June 4.
Ibig sabihin nito, tanging mga ‘fresh cases’ ng COVID-19 na lamang ang aabangan kada araw.
Ang line list ay naglalaman ng lahat ng test results na isinagawa mula nang mag-umpisa ang laboratory operation.
Nadagdagan din aniya ang bilang ng mga laboratoryong nagpapadala ng daily accomplishment report.
Siniguro ni Vergeire na papanatilihin ng DOH ang high submission rate ng mga laboratoryo.
Sa ngayon, ang accredited laboratories sa bansa ay mayroong cumulative rated o targeted capacity na nasa 34,000 test kada araw, pero ang aktwal na bilang ng test kada araw ay aabot pa lamang sa 8,000 hanggang 9,000.
Sa ilalim ng bagong klasipikasyon ng DOH, ang “fresh cases” ay mga test result na inilbas sa loob ng tatlong araw, habang ang “late cases” ay mga test result na inilabas ng apat na araw o higit pa.