Ad interim appointment ni DepEd Secretary Sonny Angara, tuluyang nakalusot na sa plenaryo ng Commission on Appointments

Tuluyang nakalusot sa plenaryo ng Commission on Appointments ang ad interim appointment ni Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara.

Kung kaninang umaga ay wala pang sampung minuto na nakalusot sa committee level ng Commission on Appointments (CA) si Angara, ngayon ay inabot ng mahigit isang oras bago naaprubahan ang ad interim appointment ng kalihim sa plenaryo dahil sa kani-kanyang pagpapaabot ng pagbati, papuri at suporta kay Angara.

Sa sponsorship ni Senator Raffy Tulfo, chairperson ng Committee on Education ng CA, sinabi niyang pinadali ang trabaho sa ahensya dahil itinalaga si Angara na may sapat na background, karanasan at passion pagdating sa sektor ng edukasyon sa bansa.


Aniya, napakahalaga na may itinalaga sa DepEd na isang kalihim na marunong sa public spending dahil ipagkakatiwala ang pinakamalaking investment sa bansa at ito ang edukasyon.

Kumpyansa rin ang mga senador na maipagpapatuloy ni Angara ang “Alagang Angara” sa edukasyon na legacy ng kanyang amang si dating Senate President Edgardo Angara bunsod na rin ng malawak nitong pang-unawa at malalim na kaalaman sa edukasyon gayundin ang malasakit nito sa mga guro, mag-aaral at magulang.

Si Angara ang ika-39 na Secretary ng DepEd at bago ito ay dalawang dekada rin itong nagsilbi sa legislative kung saan 11 taon sa Senado at 9 na taon bilang kinatawan ng Lone District ng Aurora sa Kamara.

Facebook Comments