Alice Guo o Guo Hua Ping, nakalabas na umano ng bansa — Sen. Risa Hontiveros

Posibleng nakalabas na ng bansa si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo o Guo Hua Ping.

Ito ang inihayag ni Senator Risa Hontiveros sa sesyon ngayong hapon kung saan batay sa kanyang impormasyong nakuha sa National Bureau of Investigation (NBI), nakaalis na ng bansa patungong Kuala Lumpur, Malaysia si Alice Guo noong July 18.

Ipinakita ni Hontiveros ang kopya ng isang dokumento kung saan makikita doon na match ang mga impormasyon sa Philippine passport na gamit ni Alice Guo.


Aniya pa, may isa pa siyang source kung saan sunod na nagtungo sa Singapore si Alice Guo at doon ay nagkita-kita kasama ang kanyang mga magulang na sina Lin Wen Yi at Guo Jian Zhong na lumipad naman paalis ng China noong July 28.

Kasama rin sa naturang pagkikita sa Singapore ang kapatid ni Guo na si Wesley Guo at si Cassandra Ong na incorporator naman ng Lucky South 99, ang POGO sa Porac Pampanga na ni-raid at naipasara rin ng mga otoridad.

Duda si Hontiveros na mayroong maimpluwensya o mataas na opisyal ang tumulong kay Alice Guo para makalabas ng bansa na hindi man lang nate-trace o naharang ng mga otoridad.

Facebook Comments