Nabawasan sa pangkalahatan ang bilang ng mga barko ng China sa West Philippine Sea (WPS).
Ito ang iniulat ng Philippine Navy sa kanilang monitoring mula August 6 hanggang August 12, 2024.
Ayon sa Philippine Navy, kabuuang 92 na lamang na mga barko ng China ang kanilang na-monitor sa WPS mula sa 122 noong nakaraang linggo.
Lumalabas sa datos na dahil ito sa pagbaba ng bilang Chinese Maritime Militia Vessels sa WPS na ngayon ay nasa 68 na lang mula sa huling monitoring na 106.
Samantala, bagama’t nabawasan ang bilang ng Chinese Maritime Militia Vessels, nadagdagan naman ang bilang ng People’s Liberation Army Navy ng China sa WPS na umabot na sa 9 mula sa dating 3.
Habang nadagdagan din ang Chinese Coast Guard (CCG) vessels na ngayon ay 13 na mula sa dating 12.