Hindi pa nga lubos na nakakabangon sa iniwang pinsala ng Bagyong Karding, Maymay at Neneng ang probinsya ng Cagayan, naghahanda na muli ang mga residente nito sa posibleng epekto naman ng Bagyong Obet.
Kasunod nito, umapela na ang Cagayan-Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) sa mga lokal na pamahalaan ng nasabing probinsya na huwag na magdalawang-isip na magpatupad ng preemptive evacuation.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Cagayan Province- PDRRMO head Ruelie Rapsing na humingi na sila ng tulong at suporta sa regional office ng Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa “listo protocols”.
Ayon kay Rapsing, kailangan nang magdesisyon agad ang mga alkalde sa iba’t ibang munisipalidad sa probinsya na agaran na ilikas ang kanilang mga residente lalo na ang mga nasa areas of concern.
Kabilang aniya ang District 1 at 2 dahil sila ang madalas na daanan ng bagyo.
Sa ngayon, sinabi ni Rapsing na naka-deploy na ang kanilang provincial assets at mga tauhan.
Nabatid na ilang bayan na sa Cagayan ang nagdeklara na ng state of calamity dulot ng mga nagdaang bagyo.
Inaasahan naman na tatama ang Bagyong Obet sa Cagayan sa Biyernes ng gabi o Sabado ng umaga.