3rd TELCO Project sa Rehiyon Dos, Inilunsad

Cauayan City, Isabela- Pormal nang inilunsad ang kauna-unahang 3rd Telco project ng Solar Mindanao Incorporated (SMI) sa Rehiyon dos na isinagawa sa Hacienda Candelaria, Plaridel, Santiago City.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Consul Federico Puyod Jr., Chairman ng Solar Mindanao Incorporated, ‘very historical’ aniya para sa Santiago City ang paglulunsad ng kanilang proyekto na pagpapatayo ng maraming tore ng 3rd Telco sa rehiyon.

Katuwang aniya ng SMI ang B Bautista Quality Builders Construction para sa pag-implementa sa naturang proyekto.


Ayon pa kay Puyod Jr., bago pa man ang project launching ay mayroon ng mga naunang tower ng 3rd Telco na naitayo sa iba’t-ibang bayan sa Lambak ng Cagayan sa tulong ng B Bautista Construction.

Inaasahan aniya na sa pamamagitan ng mga maitatayong tower ng 3rd Telco sa rehiyon dos ay mapapaganda na ang signal at internet koneksyon lalo na sa mga nasa kanayunan.

Bukod dito, malaki rin aniya ang maitutulong nito sa pag-angat ng ekonomiya ng bansa.

Sinabi pa ni Puyod na bukas lamang ang kanilang kumpanya sa sinumang gustong mag-avail o subukan ang kanilang serbisyo.

Target ng SMI na makapagpatayo ng 50,000 towers ng 3rd telco sa bansa sa loob ng 10 hanggang 20 na taon.

Facebook Comments