Sen. Bong Revilla, pinag-aaralan ang pagsasampa ng kaso sa dalawang drivers na gumamit ng kanyang pangalan

Ikinokonsidera na ng kampo ni Senator Bong Revilla ang pagsasampa ng kaso laban sa dalawang drivers na gumamit ng kanyang pangalan matapos na lumabag sa pagdaan sa EDSA Busway kahapon.

Ngayong hapon ay humarap sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang dalawang driver na gumamit sa pangalan ng senador kung saan inisyuhan ng tiket ang mga ito at pinagbayad ang bawat isa ng P5,000.

Sa inilabas na statement ni Revilla, bagama’t pinapaubaya na niya sa MMDA ang pagsusulong ng legal action laban sa mga ito ay pinag-aaralan na rin niya ang pagsasampa ng kaso.


Iginiit ng senador na una nang tiniyak sa kanya ni MMDA Chairman Don Artes na ipapatupad nila ang batas at pagbabayarin ang mga lumabag sa batas trapiko.

Dagdag pa ni Revilla na kung may magandang naging bunga sa pangyayaring ito ay ang pagkakabunyag ng mga maling nakasanayan ng iilan na naniniwalang mayroon silang kapangyarihang pumili kung kanino lang maipapatupad ang batas.

Facebook Comments