Magpapatulong ang Office of the Senate Sergeant-at-Arms (OSAA) sa National Bureau of Investigation (NBI) oras na hindi pa rin maaresto si suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at ang anim na iba pang ipina-contempt ng Senado kaugnay sa imbestigasyon ng mga iligal na operasyon ng Philippine Offshore and Gaming Operators (POGO).
Ayon kay Senate President Francis Escudero, inatasan niya na si Senate Sergeant-at-Arms Ret. Lt. Gen. Roberto Ancan na makipag-ugnayan sa NBI at sa iba pang law enforcement agencies kapag makalipas ang araw ay hindi pa rin matunton sina Guo at ang iba pang ipinaaaresto sa mga address na inisyuhan ng warrant of arrest.
Kakailanganin na aniya ng tulong ng ibang law enforcers upang maipatupad ang arrest warrant at matiyak ang pagdalo ng mga resource persons sa pagdinig na itinakda naman sa July 29.
Ngayon aniya ay katuwang ng OSAA ang Philippine National Police (PNP) sa pagsisilbi ng warrant kaya lahat aniya ng larawan na ipinadala sa media ay mayroong kasamang mga pulis.
Samantala, sinabi naman ni Senate Committee on Women Chairperson Risa Hontiveros na tuloy pa rin ang imbestigasyon ng komite patungkol sa mga iligal na POGO madakip man o hindi si Guo at ang iba pang resource persons.
Sesentro aniya sa susunod na pagdinig ang posibilidad na myembro rin ng mga POGO ang mga nasangkot na rin noon sa Pharmally scandal at ang pagdetalye ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa mga na-freeze na bank accounts at assets ni Mayor Guo.