Nagtungo ang mga tauhan ng Commission on Elections (COMELEC) sa bahay ni suspended Bamban, Mayor Alice Guo upang isilbi ang subpoena laban sa kaniya.
Pero walang Alice Guo na sumalubong sa mga taga-Comelec at sa halip ay caretaker nito ang tumanggap ng ipinadalang subpoena sa bahay ng alkalde na nakalagay sa kaniyang certificate of candidacy (COC) noong 2022 elections.
Ayon kay Atty. Elmo Duque, Assistant Regional Election Director ng COMELEC Region III, matapos bigong maisilbi sa mismong alkalde ay tinungo rin nila ang opisina ni Guo upang magbigay rin ng kopya nito at tinanggap ng kaniyang secretary.
Kasunod nito, may sampung (10) araw ang kampo ni Guo para magpaliwanag at sagutin ang subpoena sa pamamagitan ng counter affidavit.
Sinabi ni Duque na ipina-subpoena si Guo bilang unang hakbang ng Comelec sa ginagawang imbestigasyon kung dapat o hindi itong kasuhan ng material misrepresentation sa pagtakbo bilang alkalde noong 2022.
Nauna nang lumabas sa imbestigasyon ng poll body na nagtugma ang fingerprint ni Guo sa Chinese passport holder na si Guo Hua Ping.
Sa ilalim ng Omnibus Election Code, maaaring kanselahin ang COC ng isang indibidwal na nagsinungaling sa kaniyang mga detalye.