Tinatayang aabot sa 4.3 million na pamilya sa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ang makatatanggap ng ₱106 billion na ayuda sa susunod na taon.
Ayon kay Deputy Speaker Mikee Romero, malaking bahagi ng pondong ito ay mula sa panukalang ₱169.3 billion na pondo para sa 2021 ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sinabi ng kongresista na ang pondo sa susunod na taon para sa 4Ps ay mas mataas ng ₱5 billion kumpara sa P101 billion na financial aid ngayong taon.
Naniniwala si Romero na ang dagdag na pondo sa 4Ps ay mangangahulugan na mas maraming mahihirap na pamilyang Pilipino ang mabibigyan ng tulong ng pamahalaan.
Sa kabuuan ay aabot sa ₱113.8 billion ang kabuuang pondo para sa 4Ps kung saan kasama na dito ang ₱7.8 billion na budget para sa administrative costs at iba pang gastusin.
Hiniling naman ni Romero sa Landbank na siyang ginagamit para sa pamamahagi ng cash aid na bawasan ang kanilang service fee ng 50%.
Kapag tinapyasan ang bank service fee ay makakatipid ng ₱1 billion ang DSWD na maaaring gamitin na pandagdag benepisyo sa ilalim ng 4Ps.