Umabot sa 4.3 milyong pamilya na nasa ilalim ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang tinulungan ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong nakaraang taon, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa press briefing, sinabi ni DSWD Officer-in-Charge Undersecretary Edu Punay, na ang kabuuang bilang ng mga pamilyang tumanggap ng ayuda noong 2022 ay katumbas ng 98.3 percent ng target ng ahensya.
Aniya, naglaan ang pamahalaan ng P100 bilyon na eksklusibo para lamang sa 4Ps program.
Inihayag ni Punay na nang manungkulan ang administrasyon noong Hulyo ng nakaraang taon, ay layunin nitong linisin at i-update ang listahan ng mga benepisyaryo, alisin ang mga hindi na karapat-dapat tumanggap ng suporta at tumanggap ng bagong batch ng beneficiaries.
Noong nakaraang taon ay 106,000 beneficiaries ang naalis sa listahan bagaman orihinal na 1.3 milyon ang dapat nakalabas na sa programa batay sa record ng DSWD, ayon kay Punay.
Samantala, gumastos aniya ang DSWD ng P34.22 bilyon para sa AICS Program, kung saan nakapaloob dito ang educational assistance.
Matagumpay ding naipatupad ng ahensya ang Social Pension for Indigent Senior Citizens, na nagsisilbi sa 3.75 milyon na senior citizens sa buong bansa.
Sinabi ni Punay na gumastos ang kagawaran ng P24.64 bilyon para sa Social Pension project, kasabay ng pagmamalaki na matagumpay na nai-lobby ng DSWD sa Kongreso ang pagtaas ng social pension sa P1,000 mula sa P500.
2 milyong kabataan din ang nakinabang sa Supplemental Feeding Program ng ahensya, kung saan ginastusan ito ng P4 bilyon noong nakaraang taon.