4.4 million na manggagawa, apektado ng COVID-19 pandemic – DOLE

Umabot na sa higit apat na milyong Pilipinong manggagawa ang apektado ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, mula nitong September 30 ay aabot na sa 4.4 milyong Pilipino ang nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.

Mula sa nasabing bilang, 1.9 million ang pansamantalang nawalan ng trabaho pero agad ding babalik kapag nagpatuloy ng operasyon ang kanilang kumpanya.


Nasa 1.2 million ng 4.4 million ang hindi nawalan ng trabaho bagkus, nabawasan lang ang kanilang trabaho.

“In other words, those who lost their jobs temporarily will be rehired when their employer resume operations,” sabi ni Bello.

Dagdag ni Bello ang mga nawalan ng trabaho anim na buwan ng nakararaan ay dapat nakabalik na sa kanilang trabaho.

May ilang establisyimento ang nagpatutupad ng flexible work arrangements at pansamantalang pagsasara dahil sa COVID-19.

Sa ilalim ng batas, kung pansamantalang na-terminate ang isang empleyado, kailangan itong i-rehire pagkatapos ng anim na buwan.

Samantala, tiniyak ni Bello na handa silang magpaabot ng tulong sa mga displaced teachers at iba pang school personnel.

Para ma-avail ang one time COVID-19 Adjustment Measures Program (CAMP) cash assistance na 5,000 pesos, ang educational institution ay kailangang magsumite sa DOLE ng listahan ng kanilang displaced workers.

Facebook Comments