4.8 magnitude na lindol sa Davao del Sur, posibleng ‘foreshock’

Naniniwala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na posibleng “foreshock” ang naramdamang 4.8 magnitude na lindol sa Mindanao.

Ito ay bago ang magnitude 6.1 na pagyanig sa bayan ng Magsaysay, Davao del Sur.

Ayon kay PHIVOLCS Director Undersecretary Renato Solidum, ang 4.8 at 6.1 magnitude na lindol ay nagmula parehas sa western trace ng Makilala-Malungon fault.


“Maraming dikit-dikit na fault [sa Mindanao] at yung huling malakas na lindol nong December 15, nasa eastern trace ng Makilala-Malungon fault ang kumilos. Hindi pa nagtatapos yung serye ng mga paglindol kasi hindi pa naubos yung enerhiya na naipon doon sa fault na yun,” sabi ni Solidum sa isang panayam sa radyo.

“Distinct earthquake ito na galing dun sa western trace ng Makilala-Malungon. Nung October 2019, maraming kumilos, yung Tulungan fault, M’lang fault, Makilala fault, yung apat na sunud-sunod nung October, nung December 2019, yung isang bahagi ng Makilala-Malungon yung kumilos,” dagdag ni Solidum.

Sinabi ni Solidum na mayroong limang magkakatabing faults sa Central Mindanao ito ay ang: M’lang fault, Makilala-Malungon fault, North Columbio fault, South Columbio fault at western extension ng Mindanao fault o Cotabato-Sindangan fault.

“Diyan yung magkakadikit, magkakadugtong na fault, so kung gumalaw yung isa, naitutulak nya yung kabila kaya nagkakasunud-sunod,” ani Solidum.

Sa datos ng PHIVOLCS, ang magnitude 4.8 na lindol ay yumanig sa ilang bahagi ng Davao del Sur alas-7:28 ng umaga at nasundan ito sa tanghali ng magnitude 6.1 na lindol.

Facebook Comments