Bumilis ang antas ng pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo sa bansa nitong Agosto.
Ayon kay Philippine Statistics Authority (PSA) chief at National Statistician Claire Dennis Mapa, naitala noong nakaraang buwan ang 4.9% inflation rate na mas mataas sa 4.0% noong Hulyo.
“Ito ang pinakamataas na inflation na naitala sa bansa mula noong Enero 2019. Noong July 2021, ang inflation ay naitala sa antas na 4.0% at 2.4% naman noong Agosto 2020. Ang average inflation para sa taon ay nasa antas na 4.4%,” ani Mapa.
Pangunahing dahilan ng pagtaas ng inflation ang mabilis na paggalaw ng presyo ng mga food at non-alcoholic beverages.
Kabilang rito ang karne gaya ng baboy (16.4%); isda tulad ng galunggong (12.4%) at gulay partikular ang talong (15.7%).
Sinundan ito ng pagtaas sa singil sa renta ng bahay, tubig, kuryente, gas at iba pang produktong petrolyo at pangatlo ang transportasyon.