Cauayan City, Isabela- Nasa maayos ng kalagayan ang apat (4) na anak ng isang magsasakang nagpakamatay at tinangka pang lasunin ang mga ito sa Barangay Abra, Santiago City.
Kinilala ang nagpakamatay na itinago sa pangalang Sonny, 39-anyos at residente sa nabanggit na lugar.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PCpl. Mike Soza, imbestigador ng Presinto Uno ng Santiago City Police Office (SCPO), may hindi pagkakaunawaan ang magsasaka at kanyang misis na nasa ibang bansa dahil ipinagpalit umano ng OFW sa ibang lalaki ang kanyang mister.
Dahil dito, nagsimula ng mag-iba ang kilos ng magsasaka dahil sa nangyari sa kanyang sitwasyon.
Una rito, nakatanggap ang kapulisan ng tawag mula sa mga opisyal ng barangay matapos makuryente nang subukang pumasok sa bahay ng pamilya.
Ayon pa kay PCpl. Soza, kinabitan ng live wire ng magsasaka ang bintana at pintuan ng kanilang bahay na yari sa yero sa pagtitiyak na hindi makakaresponde ang sinumang magbabalak na gawin ito kung kaya’t naging pahirapan ang pagpasok sa loob ng bahay.
Dakong ala-8:00 ng gabi noong July 8 ay pinagsama-sama umano ng magsasaka ang kanyang mga anak at nagtimpla ng tubig na hinaluan ng racumin powder o pamatay sa pesteng daga at pilit na pinapainom sa mga bata.
Gayunman, nakatakas ang 13-anyos na anak na babae ng magsasaka at dahil sa pagkabalisa ng padre de pamilya ay natabig at natapon ang tinimplang lason sa sahig.
Sumapit na ang hatinggabi ng makitang nakabigti ang magsasaka gamit ang nylon rope.
Samantala, napag-alaman na dumulog sa Women’s Desk ng PNP ang 13-anyos na anak ng magsasaka matapos umanong hawakan ang maseselang bahagi ng katawan nito at kalauna’y sinampahan ng kasong RA 7610 ang magsasaka at doon na nagsimulang maging balisa at palaging umiinom.
Sa kasalukuyan ay nasa pangangalaga na ng kaanak ni Sonny ang kanyang mga anak.