4 ANYOS NA BATA SA MANGALDAN, NABIKTIMA NG RABIES; VACCINATION DRIVE SA MGA BARANGAY, PAIIGTINGIN

Nakapagtala ng bagong kaso ng rabies ang Mangaldan ngayong Marso matapos kumpirmahin ng Municipal Health Office.

Base sa ibinahaging detalye ng lokal na pamahalaan, isang 4 anyos na bata sa Brgy. Navaluan ang nakagat ng aso sa likod at leeg matapos umanong madapa. Dinala sa ospital ang bata na nagpositibo sa viral antigen na rabies.

Dahil dito, paiigtingin ng tanggapan ang pagsasagawa ng anti-rabies vaccination sa mga alagang hayop maging ang pagpapatupad ng ordinansang ‘Aso mo, Itali mo’ kada barangay.

Sa ngayon, nasa maayos na ang kalagayan ng biktima ngunit patuloy pa rin na sinusuri ng tanggapan para sa natitirang virus.

Matatandaan noong Enero 2024, tinutukan ng tanggapan ang naturang barangay matapos makagat ng asong may rabies ang pitong residente.

Nanawagan naman ang lokal na pamahalaan sa kooperasyon ng publiko sa mga ordinansa at programa upang manatiling ligtas sa rabies. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨

Facebook Comments