
Nadakip ang apat na indibidwal matapos maaresto sa operasyon ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) makaraang maaktuhang nagbebenta ng nakaw na drone at iba pang mamahaling surveying equipment sa kahabaan ng Bypass Road, Brgy. Inosluban, Lipa city Batangas.
Batay sa ulat, nagsimula ang kaso noong Setyembre 2021 nang umutang si alyas “Lory” ng survey equipment mula sa isang kumpanya na nagkakahalaga ng mahigit ₱4.7 milyon. Pero matapos maihatid ang gamit sa kanyang bahay sa Pampanga, bigla na lang itong naglaho at hindi na nagpakita.
Kamakailan, natuklasan ng complainant na ibinibenta online ng isa sa mga suspek ang parehong kagamitan sa halagang ₱3 milyon kaya agad nagsampa ng reklamo at isinagawa ang entrapment.
Nasamsam sa operasyon ang mga ninakaw nitong drone, accessories, at iba pang electronic devices.
Bukod dito, nakumpiska rin sa isa sa mga suspek ang isang kalibre .45 na baril na may bala at magasin ngunit walang permit.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Anti-Fencing Law at Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.









