Binantaan ni Senator Sherwin Gatchalian si Atty. Harry Roque na ipapa-cite in contempt kapag inulit pa niya ang tila pambabastos nito kay Senate Committee on Women Chairperson Risa Hontiveros.
Sa gitna ng pagdinig ng komite ay nagkasagutan sina Hontiveros at Roque matapos ihayag ni Roque na nag-i-insinuate o tila may pahiwatig ang mga katanungan ni Hontiveros sa kaniya.
Nag-ugat ang sagutan ng dalawa nang gustong kumpirmahin ni Hontiveros kung naninindigan pa rin si Roque na hindi siya kailanman naging abogado ng mga POGO at kung nagawang kwestyunin ba ni Roque si Cassandra Li Ong, ang incorporator ng Lucky South 99, kung bakit isinama ang kanyang pangalan sa dokumento bilang legal counsel ng Lucky South 99.
Dito ay inakusahan ni Roque si Hontiveros na may ipinalalabas sa kanyang mga katanungan.
Dahil halos hindi na makapagsalita si Hontiveros, sumingit si Gatchalian at sinermunan si Roque na dapat nitong irespeto si Hontiveros at huwag sasabayan sa pagsasalita dahil ito ang Chairperson ng komite.
Nagbabala pa si Gatchalian kay Roque na mapipilitan siyang ipa-cite in contempt ang dating Presidential Spokesperson kapag hindi nito nirespeto ang komite at ang Chairman.
Agad namang humingi ng paumanhin si Roque kay Hontiveros at sa buong panel ng Committee on Women.