Cauayan City, Isabela- Mula sa 9 na mga bayan na isinailalim sa total lockdown dahil isyu ng African Swine Fever (ASF) ay apat (4) na rito ang nabigyan ng financial assistance mula sa provincial government ng Isabela (PGI).
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Romy Santos, media consultant ng Pamahaalaang Panlalawigan ng Isabela, napagkasunduan aniya na ang bawat malalaking baboy na isinailalim sa culling o pinatay at ibinaon sa lupa ay babayaran ng PGI ng halagang Php2,500.00 habang may counter part naman ang LGU na Php2,500.00 na ibibigay sa may-ari ng baboy.
Habang sa mga maliliit o mga biik ay pinag-uusapan pa aniya kung mayroon ding ibibigay ang PGI na kaukulang bayad.
Ayon kay Ginoong Santos, personal na nagtungo si Gov. Rodito Albano kasama ang mga opisyal ng PGI noong Sabado, Pebrero, 22, 2020 sa 2 barangay ng Gamu upang iabot ang halagang Php387,500.00 na tulong pinansyal para sa 39 backyard hog raisers na apektado.
Sa San Manuel, Isabela, isang (1) barangay lang ang apektado ng ASF subalit nasa 231 na mga baboy ang isinailalim sa culling na pagmamay-ari ng 36 katao at nasa halagang Php727,500.00 ang iniabot na tulong ng PGI.
Sa bayan ng Roxas ay nasa 201 baboy ang ibinaon sa lupa mula sa Brgy Bantug at San Antonio at nasa halagang Php385,000.000 naman ang ibinigay na tulong para sa 33 hog raisers na apektado.
Kahapon, Pebrero 23, 2020 ay nabigyan na rin ng tulong ang 9 na may-ari ng baboy na isinailalim sa culling partikular sa Brgy Payac, Jones, Isabela.
Dagdag pa ni Ginoong Santos, inaasahan na anumang araw ay isusunod na rin ang natitira pang 5 na bayan upang mabigyan din ng financial assistance mula sa pamahalaang panlalawigan ng Isabela.