4-day work week bill, aprubado na sa Kamara

Manila, Philippines – Lusot na sa Kamara ang panukala para bawasan ang araw ng trabaho ng mga empleyado sa gobyerno at pribadong sektor.

Sa ilalim ng house bill 6152, ang anim na araw na pasok ng mga empleyado sa isang linggo ay gagawin ng limang araw at apat na araw naman para sa mga may pasok ng limang araw.

Pero ang kapalit nito, mas hahaba ang oras ng trabaho mula sampu hanggang labing dalawang oras mula sa kasalukuyang walong oras kada araw.


Sabi ni Baguio Rep. Mark Go, isa sa mga may-akda ng panukala, pinapayagan sa labor code ang compressed work week pero kailangan munang kumuha ng permiso sa labor department at mga empleyado.

Pero kapag naisabatas na ang panukala, hindi na kailangang kumuha ng permiso.

Kaagad naman itong tinutulan ng employers’ Confederation of the Philippines.

Sabi ni ECOP President Donald Dee, mapapagod ng husto ang mga manggagawa kahit pa madadagdagan ang day off.

Sa katunayan aniya, balak nilang lumapit sa Senado at kay Pangulong Rodrigo Duterte para hindi ito maisabatas.

Facebook Comments