4 Katao, Dinakip sa Pag-iingat ng mga Armas

77

Cauayan City, Isabela- Inaresto ng mga alagad ng batas ang apat (4) na kalalakihan matapos makuhanan ng iba’t-ibang klase ng baril sa Sitio Damortis Brgy. Sampaguita, Solana, Cagayan.

Kinilala ang mga suspek na sina Denis Pascual, 34 anyos, Ronel Delfin, 26 anyos, Christian Ancahas, 17 anyos at Jay Ar Castañeda, 29 anyos na pawang mga residente rin ng Sitio Damortis, Brgy. Sampaguita, Solana, Cagayan.


Unang nakatanggap ng impormasyon ang himpilan ng PNP Solana mula sa isang concerned citizen na may grupo ng kalalakihan ang nag-iinuman at isa sa mga ito ay nagpaputok ng baril.

Agad na nagtungo ang pulisya sa lugar upang beripikahin ang sumbong hanggang sa naabutan ang mga ito na nagresulta sa kanilang pagkakahuli.

Nakuha sa pag-iingat ni Castañeda ang isang unit ng homemade 12 gauge Shotgun na may kasamang bala, nakumpiska rin sa pag-iingat ni Delfin ang isa (1) pang kaparehong shotgun, isang (1) unit ng improvised Air gun ang nakuha kay Pascual habang isang (1) itak naman ang nakumpiska mula kay Ancahas.

Agad na dinala ang mga suspek sa himpilan ng pulisya para sa dokumentasyon at inihahanda na ng pulisya ang kasong isasampa laban sa mga ito.



Facebook Comments