4 Katao, Kabilang ang Isang Brgy. Kagawad, Arestado sa Pagpupuslit ng Iligal na Kahoy!

*San Mariano, Isabela-* Arestado sa pagpupuslit ng mga iligal na kahoy ang isang brgy. Kagawad at tatlo pa nitong kasamahan matapos masabat sa isang checkpoint makaraang gabi sa brgy. Daragutan East, San Mariano, Isabela.

Kinilala ang nadakip na brgy. Kagawad na si Rosito Bitalag Limbauan, trentay tres anyos, residente ng brgy. Panninan, San Mariano, Isabela habang ang tatlo pa nitong kasamahan ay sina Crispin Cauilan Mangaba ng brgy. Panninan, Arsenio Atara Hernandez ng Brgy. Daragutan East at Edgardo Ordaza Pascaran ng brgy. Macayu-cayu, San Mariano, Isabela.

Sa nakuhang impormasyon ng RMN Cauayan, nasabat sa isinagawang checkpoint ng mga otoridad sa brgy. Daragutan East ang kanilang sinasakyang 6×6 na Truck na naglalaman ng tinatayang nasa isang libong board feet na kahoy.


Wala umanong maipakitang kaukulang dokumento ang mga kahoy na pinutol kaya’t inaresto ng mga otoridad ang mga nasabing suspek.

Hawak na ng PNP San Mariano ang mga suspek at mahaharap sa kasong Paglabag sa Presidential Decree 705 o iligal na pangangahoy.

Samantala, sa panayam ng RMN Cauayan kay P02 Romeo Gatan, imbestigador ng PNP San Mariano, tinutugis pa sa ngayon ang dalawa pa nilang kasamahan na sina Ronald Albano Martinez at umano’y may-ari ng Truck na si Gaspar Pascaran matapos tumakas sa nasabing checkpoint.

Facebook Comments