4 Katao na Top Most Wanted Person, Arestado

146

Cauayan City, Isabela- Bagsak na sa kamay ng mga alagad ng batas ang apat (4) na top most wanted person sa Municipal at City level sa magkakahiwalay na pagsisilbi ng warrant of arrest ng kapulisan sa Lalawigan ng Isabela.


Sa nakuhang impormasyon ng 98.5 iFM Cauayan mula sa Isabela Police Provincial Office (IPPO), natimbog na ang itinuturing na Top 2 Most Wanted Person sa municipal level na kinilalang si Ronald Banera, 44 taong gulang, tubong Alcala, Cagayan at kasalukuyang nakatira sa Brgy. Sapang Bulak, Doña Remedios Trinidad, Bulacan.

Nahaharap sa kasong panggagahasa ang akusado kung saan walang inirekomendang piyansa ang korte para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

Dinala sa San Guillermo Police Station ang akusado para sa dokumentasyon bago ipasakamay sa court of origin.

Timbog rin ng PNP Gamu ang Top 3 Most Wanted person ng naturang bayan na kinilalang si Jaylord Saquing, 29 taong gulang, empleyado ng isang lending company at residente ng Brgy. Barcolan, Gamu, Isabela.

Kasong Qualified Theft ang kinakaharap ni Saquing at siya ay pansamantalang makakalaya kung makakapag piyansa ng halagang Php40,000.00.

Arestado rin ang itinuturing na Top 4 Most wanted person ng bayan ng Divilacan na may kasong tangkang panggagahasa.




Kinilala ang akusado na si Frankie Donato, 50 taong gulang, magsasaka at residente ng Brgy. Ditarum, Divilacan, Isabela.

Pansamantalang makakalaya si Donato kung makakapag piyansa ng halagang Php200,000.00.

Huli rin ng Ilagan City Police Station ang Top 10 most wanted person sa City level na si Jennifer Anlindayu, 23 taong gulang at residente ng Brgy. Cabisera 5, City of Ilagan, Isabela.

Siya ay nahaharap sa kasong Qualified Theft at may kaulang piyansa na Php40,000.00.

Facebook Comments