*Naguilian, Isabela- *Sugatan ang apat na katao matapos salpukin ang sinasakyang motorsiklo sa Brgy. Palattao, Naguilian, Isabela.
Kinilala ang sugatan at driver ng motorsiklo na si Rudy Sansano, 36 anyos at ang kanyang tatlong back riders na sina Angelo Sansano, 11 anyos, Ramil Sansano, 14 anyos at Mark Angelo Sansano, 13 anyos na pawang mga residente ng Brgy. Villa Imelda Ilagan City, Isabela.
Kinilala naman ang suspek at driver ng Toyota pick-up na si Allan Clint Rimando, 38 anyos, isang guro at residente ng Zamora Santa Maria Alfonso Lista Ifugao.
Sa nakuhang impormasyon ng RMN Cauayan, parehong binabaybay ng mga biktima at suspek ang lansangan patungong North direction at nang makarating sa pinangyarihan ng aksidente ay nabangga ni Rimando ang bahaging likod ng sakay ng mga biktima.
Dahil dito, nawalan ng kontrol sa manibela ang driver ng motorsiklo kaya’t tumilapon ang mga sakay nito sa daan.
Dinala naman sa pagamutan ang mga biktimka para sa kanilang karampatang lunas matapos magtamo ng mga sugat sa katawan.
Nasa kustodiya na ng Naguilian Police Station ang mga sangkot na behikulo para sa kaukulang disposisyon.