4 KATAONG TINANGKANG MAGSANLA NG BARIL, ARESTADO

Cauayan City – Arestado ang 4 na indibidwal kabilang na ang isang menor-de-edad matapos na masamsaman ng hindi dokumentadong baril noong ika-28 ng Setyembre sa Brgy. Banggot, Bambang, Nueva Vizcaya.

Ayon sa ulat mula sa Bambang PS, nakatanggap sila ng report mula sa isang restaurant owner hinggil sa isang grupo na hinihinalang nasa impluwensya ng nakalalasing na inumin na nagtatanong umano kung saan sila maaaring magsanla ng baril.

Dahil sa takot, kanila itong inireport sa kapulisan na kaagad namang rumesponde sa lugar. Nang makarating sa lugar, itinuro ng nagreport at ng ilang saksi ang 4 na lalaking sakay ng isang Toyota Hilux pick-up.

Kinilala naman ang mga suspek na sila alyas “Rizalino”, alyas “Juan”, alyas “Julio”, at ang 16 anyos na si alyas “Len”, pawang mga mula sa Mountain Province.

Sa pagresponde ng kapulisan, positibong narekober mula sa mga suspek ang 1 armscor shotgun, isang 5.56 magazine, 3 bala, sling bag, isang bolo, flashlight, kasama ang kanilang sasakyan.

Bigo namang nakapagpakita ang mga suspek ng lisensya upang magmay-ari at magdala ng baril, o anumang kaukulang dokumento na kinakailangan alinsunod sa ilalim ng Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act dahilan upang sila ay dakpin.

Facebook Comments