Nabatid na 4 lamang sa 17 siyudad sa Metro Manila ang sumusunod sa contact tracing standards na itinakda ng pamahalaan.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Epimaco Densing, tanging ang Maynila, Taguig, Pateros at San Juan lamang ang sumunod sa 1 contact tracer kada 800 na indibidwal,.
Dahil dito, nakiusap si Densing sa mga lokal na pamahalaan hindi lamang sa Metro Manila kundi pati na rin sa mga probinsya sa bansa na piliting makasunod sa nasabing standard.
Pagdidiin nito, malaki ang papel ng contact tracing sa patuloy na paglaban ng bansa sa nagpapatuloy na COVID-19 pandemic.
Samantala, 878 lamang mula sa higit 1,500 Local Government Units (LGUs) ang sumunod sa direktiba ng DILG na bumuo ng ordinansa para sa mga residente nitong lalabag sa ipinapatupad pa minimum public health protocols.
Matatandaang Hulyo 2020 pa nang ilabas ng ahensya ang Memorandum Circular ngunit iilan lamang ang mga LGUs na sumunod dito.
Kaugnay nito, inataasan na ng DILG ang kapulisan na mas paigtingin pa ang paninita para tiyaking nasusunod ng publiko ang health protocols.