4 Magsasaka, Huli sa Pangunguryente ng Isda

Cauayan City, Isabela- Inaresto ng mga otoridad ang apat (4) na magsasaka matapos mahuling nangunguryente ng eel o “igat” dakong 5:40 ng hapon kahapon sa isang water dam sa Sitio Cagurungan, Brgy. Gaddangao, Rizal, Cagayan.

Nakilala ang mga nahuling suspek na sina Noel Baliuag, 42-anyos; Bienvenido Furigay, 33-anyos; Daniel Fronda, 32-anyos at Watson Catalon, 28-anyos kapwa pamilyado at residente sa magkakahiwalay na barangay ng Sto. Niño, Cagayan.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, nakatanggap sila ng impormasyon sa isang concerned citizen hinggil sa ginagawang panghuhuli ng isda ng mga magsasaka sa nabanggit na lugar kung kaya’t kaagad na nagtungo ang mga kasapi ng pulisya at naaktuhan ang pangunguryente gamit ang electro-fishing device.


Dahil dito, hiningan ng anumang dokumento ang mga suspek kung nabigyan ba sila ng otorisasyon sa paggamit ng electro-fishing paraphernalia para sa panghuhuli ng isda subalit bigo ang mga ito na magpakita ng dokumento na nagresulta ng pagkakaaresto sa kanila.

Kinumpiska sa pag-iingat ng mga magsasaka ang higit kumulang 30 kilograms ng ‘Igat’ na may market value na P4,200.00 gayundin ang apat (4) na dry cell batteries at limang (5) fishing connecting rods.

Inihahanda na ang kasong paglabag sa RA 8550 na inamiyendahan bilang RA 10654 laban sa mga suspek na nasa kustodiya ngayon ng Rizal Police Station.

Facebook Comments