Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang apat na batas na nagpapalit ng pangalan ng ilang mga kalsada at tulay sa Central Visayas, Ilocos Region, Northern Mindanao, at Bicol Region.
Una na rito ang Republic Act No. 11987, na nagpapalit sa pangalan ng Bohol Island Circumferential Road bilang “The President Carlos P. Garcia Circumferential Road,” na nagkokonekta sa Barangay Poblacion III hanggang Tagbilaran City.
Pinalitan na rin ang pangalan ng Urdaneta City Bypass Road ng “Ambassador Eduardo ‘Danding’ M. Cojuangco Jr. Avenue” sa ilalim ng Republic Act No. 11988.
Sakop ng kalsadang ito ang Barangay Nancayasan, Santo Domingo, Santa Lucia, Camantiles, at Anonas ng Urdaneta City, Pangasinan.
Habang tatawagin na ring “Mariano Lluch Badelles Sr. Bridge,” sa ilalim ng Republic Act No. 11989, ang Tambacan Bridge, na nagdurugtong sa Iligan River sa Barangay Tambacan, Iligan City sa Northern Mindanao Region.
Bukod dito, nilagdaan din ng pangulo ang Republic Act No. 11990, na nagpapangalan sa isang national highway bilang “Speaker Arnulfo ‘Noli’ Fuentebella Highway” na nagdurugtong sa ilang mga lugar sa Camarines Sur.
Sa ilalim ng mga bagong batas, inaatasan ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na maglabas ng mga alituntunin at advisory para sa implementasyon, 60 araw mula sa bisa nito.
Nilagdaan ni Pangulong Marcos ang apat na bagong batas noong March 21, na magkakabisa 15 araw matapos ilimbag sa Official Gazette o sa iba pang pahayagan.