Mahigpit ngayong binabantayan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang Bulkang Taal, Bulkang Mayon, Bulkang Bulusan sa Sorsogon at Bulkang Kanlaon sa Negros Island dahil sa pagpapakita ng abnormal na aktibidad.
Sa budget hearing ng Senado ay sinabi ni PHIVOLCS Director Renato Solidum na namamaga ang lupa ng Bulkang Taal at Mayon dahil sa pressure.
Dahil dito ay sinabi ni Solidum na mahigpit na ipinagbabawal sa idineklarang danger zone sa apat na bulkan dahil posibleng magkaroon ng steam-driven explosion.
₱23.89 billion ang panukalang 2021 budget para sa Department of Science and Technology o DOST na nakakasaklaw sa PHIVOLCS na pinaglaanan naman ng ₱462 million.
Bagama’t mas mababa ito kumpara sa budget ngayong taon ng PHIVOLCS ay tiniyak ni Solidum na hindi ito makakaapekto sa kanilang monitoring sa mga bulkan at pagsasagawa ng tsunami awareness and resilience sa mga komunidad.
Sa budget hearing ay isinulong naman ni Senator Joel Villanueva na maitaas ang budget para sa research and development ng DOST.
Giit ni Villanueva, panahon na para bigyan nating ng pagpapahalaga ang research dahil napag-iiwanan na tayo at higit itong kailangan ngayong may pandemya.