Nailigtas ng mga tauhan ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang apat na Chinese na umano’y nakakaranas ng pagmamaltrato at pangto-torture mula sa kanilang kapwa Chinese sa Angeles City, Pampanga.
Sa ulat ng PNP-CIDG, kinilala ang mga na-rescue na sina Ma Li, Xiao Gi, parehong 24-anyos; Li Ming, 29-anyos, isang computer engineer; He Xiung Yi, 49-anyos; Ou Yang, 25-anyos; at Tian Yi, 25-anyos, kapwa rin computer engineers.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng PNP-CIDG, nakatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen at ipinarating ang nangyayaring pagmamaltrato sa mga Chinese.
Agad namang ikinasa ng PNP-CIDG ang rescue operation at tumambad sa kanila ang mga nakaposas pang mga biktima sa loob ng isang bahay sa Brgy. Pampang, Angeles City, Pampanga.
Naaresto naman ang mga suspek at nakuha sa kanila ang telescopic steel baton, mga posas at sinturon.
Sa ngayon ayon kay PNP-CIDG Director Police Major General Albert Ignatius Ferro, nagsasagawa sila ng mas malalim na imbestigasyon para matukoy ang dahilan ng pagdukot at pananakit sa mga biktima ng mga suspek.
Agad namang dinala sa ospital ang mga biktima habang nahaharap na ang mga suspek sa kasong grave coercion.