
Arestado sa San Ildefonso, Bulacan ang apat na indibidwal na sangkot sa paggawa at pagbebenta ng mga pekeng plaka ng sasakyan.
Sa pulong balitaan, sinabi ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon, naaresto ang mga suspek sa isinagawang entrapment operation ng pinagsanib na pwersa ng Land Transportation Office (LTO) at Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) noong July 12.
Sinabi naman ni LTO Executive Director Atty. Greg Pua na isinagawa ang operasyon matapos makumpirma ang impormasyon ng Investigation and Intelligence Division ng ahensya tungkol sa aktibidad ng mga suspek.
Nasamsam sa operasyon ang 51 piraso ng pekeng plaka, printing machine, mga computers, apat na cutting machine, vynil reflectorized film, cold laminated machine, marked money, at iba pang mga kagamitan
Tinatayang nasa P400,000 ang halaga ng mga nakumpiska habang ang mga suspek ay nasa kustodiya na ngayon ng CIDG at mahaharap sa kasong paglabag sa Presidential Decree 1730 at Article 2, section 31 ng RA 4136.









