
Inalis na sa listahan ng persons of interest ang apat na indibidwal na lumantad nitong Miyerkules sa Sulu Provincial Police Office.
Matatandaang nakita ang kanilang mga mukha sa CCTV footage at ikinonsiderang persons of interest ng mga otoridad sa nangyaring pambobomba sa Our Lady of Mount Carmel Cathedral sa Jolo, Sulu.
Sabi ni PNP Spokesperson Police Senior Superintendent Bernard Banac, pinauwi na rin nila noong isang araw ang apat matapos magbigay ng sinumpaang salaysay na nagsasabing wala silang kinalaman sa pagsabog.
Sumailalim aniya sa beripikasyon ng mga otoridad ang mga pahayag ng mga ito at nang makumpirmang totoo ang kanilang mga sinabi ay pinauwi na rin sila.
Isinalang din sa DNA test ang labi ng 21 biktimang nasawi sa pagsabog para matukoy ang pagkakakilanlan ng ilan sa mga bangkay lalo na ang mga wala pang nagki-claim.
Sa pamamagitan rin aniya ng DNA test ay malalaman kung ano ang nationality ng mga bangkay.
Aminado naman ang PNP na medyo matatagalan ang gagawing DNA testing na maaring abutin ng isang buwan bago lumabas ang resulta.
Sa ngayon, patuloy ang imbestigasyon ng joint inter-agency task force upang matukoy ang totoong salarin sa insidente.









