Patong-patong na kaso ang kinakaharap ngayon ng dalawang barangay kagawad, isang Ex-O at isang tanod matapos na ipako ang pintuan ng bahay ng pinaghihinalaang may sakit na COVID-19 sa Barangay 538, Zone 53, Balic-balic, Sampaloc, Maynila.
Nabatid na mismong ang mga tauhan ng MPD-SMaRT o Special Mayor’s Reaction Team ang umaresto sa mga kagawad na sina Bobby Biason at Marvin Simbahan kasama ang Ex-O na si Ferdinand Gatdula at tanod na si Epifanio Rempis habang pinaghahanap pa ng mga otoridad ang kasamahan nilang tanod na si Jesus Dela Cruz.
Unang nagreklamo sa opisina ng SMaRT ang isang Jordan So kung saan inireport nito ang ginawang pagkulong sa bahay na tinutuluyan ni Irving Sales sa Malamig Street sa Balic-Balic kasama ang kaniyang pamilya.
Dahil dito, nagsagawa ng rescue operation ang MPD-SMaRT na nagresulta sa pagkakaligtas sa pamilya ni Sales at pagkaka-aresto sa mga barangay officials.
Nabatid na kaya nag-desisyon ang mga opisyal ng barangay na ipako ang pintuan ng tinutuluyang bahay ni Sales upang hindi sila makalabas makaraan nilang malaman na nakasalamuha nito ang isang pasyente na positibo sa COVID-19 na kaniyang pinaghatiran ng pagkain.
Napag-alaman pa na bukod kay Sales, may kasama itong nakulong sa loob ng bahay na tatlong bata, isang menor de edad at ang kaniyang misis.
Nahaharap ang mga nadakip na opisyal ng Barangay 538 sa kasong paglabag sa City Ordinance 8624 (Discriminating against a person due to COVID-19), RA 11469 (Bayanihan to Heal as One Act), at Art. 124 ng Revised Penal Code (Arbitrary detention).