4 na Magsasakang Hinuli ng PNP Cordon, Hiniling na Mapalaya

*Cauayan City, Isabela*- Hiniling ng grupo ng Danggayan Cagayan Valley Cordon Chapter na palayain na ang apat (4) na mga magsasakang hinuli ng mga alagad ng batas sa brgy Caquilingan, Cordon, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Ben Cardenas, Chairperson ng Danggayan Cagayan Valley Cordon Chapter, kasama aniya ito sa 15 na kinasuhan ng Arson noong taong 2001 dahil sa umano’y pagsunog ng mga ito sa manggahan sa kanilang sinasakang lupain.

Siyam (9) aniya silang unang naaresto at nakalabas na rin sa kulungan matapos na makapagpiyansa ng tig-Php50,000.00 habang ang isa (1) sa kanila ay namatay na.


Sabay-sabay naman aniyang lumabas ang kanilang warrant of arrest subalit nahuli lamang na naaresto ang apat na mga miyembro ng Caquilingans farmers Organization sa bayan ng Cordon.

Iginiit ni Cardenas na walang katotohanan ang isinampang kaso sa kanila dahil ito’y gawa-gawa lamang aniya ng complainant at napatunayan nila ito sa korte.

Ayon pa kay Cardenas, taong 1999 pa nang mag-umpisa ang pagpapalayas sa kanila ng complainant sa kanilang sinasakang lupa kaya’t dito naman bumuo ng organisasyon ang kanilang grupo para maipaglaban ang kanilang maisan.

Kanyang ibinahagi na nag-ugat ang kanilang kaso nang biglang nasunog ang sinasakang maisan at nadamay ang mga nakatanim na mangga na siya umanong ginamit na basehan o ebidensya ng complainant.

Samantala, inihayag naman ng hepe ng PNP Cordon na si PMaj. Alford Accad, ginawa lamang nila ang kanilang trabaho na huliin ang apat na mga magsasaka dahil mayroon silang mandamiento de aresto at tanging ang korte na lamang ang magdedesisyon sa mga ito.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng PNP Cordon ang tatlo habang ipinasakamay sa PNP Santiago City ang isa.

Facebook Comments