Napatay ng mga tauhan ng Philippine National Police – Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) ang apat na mga kidnapper at nailigtas ang kanilang biktima na Chinese sa kanilang isinagawang rescue operation sa harap ng UP Town Center sa Quezon City kaninang madaling araw.
Ayon kay PNP-AKG Director Brig. Gen. Jonnel Estomo, isang Chinese na kinilalang si Li Cheng ang tumungo sa tanggapan ng PNP-AKG para humingi ng tulong dahil dinukot ng apat na kidnapper ang kanyang kaibigang si Zhi Fu.
Habang nagki-kwento sa mga pulis, sakto namang nagpadala ng mensahe ang mga kidnapper sa pamamagitan ng WeChat at nagdi-demand ng ₱20 milyon para sa paglaya ng kanyang kaibigan.
Sa pamamagitan din ng WeChat, natukoy ng mga pulis ang kinaroroonan ng mga suspek kaya ikinasa ang rescue operation pero nanlaban ang mga kidnapper dahilan ng kanilang pagkamatay.
Na-rescue naman ang biktimang si Zhi Fu.
Ayon pa kay Estomo, ang mga suspek ay miyembro ng Waray-Waray kidnap for ransom group na nag-ooperate sa Metro Manila at CALABARZON area.