Maaaring maharap sa kasong kriminal at makulong ang apat na opisyal ng Office of the Vice President (OVP) na patuloy ang pag-isnab sa mga pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability ukol sa irregular umanong paggastos ng confidential funds.
Babala ito ni Committee Chairman Manila 3rd district Representative Joel Chua kina:
• Lemuel Ortonio, OVP Assistant Chief of Staff at Chairperson of the Bids and Awards;
• Gina Acosta, OVP special disbursing officer;
• Sunshine Fajarda, dating Department of Education assistant secretary; at
• Edward Fajarda, asawa ni Sunshine Fajarda, na dating special disbursing officer ng DepEd
Inihayag ito ni Chua makaraang hindi muli sumipot ang naturang apat na OVP officials sa ika-anim na pagdinig ng House Blue Ribbon Committee ukol sa kwestyunableng paggastos ng OVP at Deped ng kabuuang ₱612.5 million na confidential funds.
Diin ni Chua, hindi magdadalawang-isip ang pinamumunuang niyang komite na magsampa ng kasong kriminal laban sa apat.
Tinukoy pa ni Chua ang desisyon ng Korte Suprema sa isang kaso, na nagsasabing ang pagdalo ng mga ipinapatawag sa pagdinig ng Kamara o Senado ay mandatory.