Apat na mga police officers ang inaprubahan ni Philippine National Police (PNP) Chief General Debold Sinas na sibakin sa pwesto matapos ang kwestyunableng imbestigasyon sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera.
Ayon kay PNP Chief, ang sinibak ay ang mismong Makati Chief of Police na si Police Col. Harold Depositar, Southern Police District Medico Legal Officer Police Major Michael Nick Sarmiento at dalawa pang police investigators.
Paliwanag ni PNP Chief, sinibak si Depositar dahil sa command responsibility, habang nakitaan ng “lapses” sa pag-iimbestiga sina Sarmiento bilang Medico Legal Officer at dalawang imbestigador.
Tiniyak naman ni Sinas na hindi maaapektuhan ang imbestigasyon sa kaso ni Dacera dahil makikipagtulungan pa rin ang mga sinibak na police officers sa binuong Special Investigation Task Group.
Matatandaang si Christine Dacera ay natagpuang patay sa isang hotel sa Makati noong January 1, 2021 at nakwestyon ang Makati PNP sa pag-iimbestiga sa kaso.