Patay ang apat sa 11 bilanggo matapos na magtangkang tumakas sa Liangga District Jail sa Surigao del Sur kaninang umaga.
Ayon kay BJMP Spokesman Major Xavier Solda, biglang sinunggaban ng ng mga preso ang isa sa mga duty personnel ng bilangguan na magbubukas sana ng gate ng selda para ipasok ang kanilang pagkain.
Agad namang rumesponde ang iba pang tauhan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na nagresulta sa palitan ng putok.
Apat sa mga bilanggo ang nasawi habang isang tauhan naman ng BJMP ang nasugatan matapos na masaksak.
Ang mga nasawing preso ay hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) na nanghihikayat umano sa iba pang preso na planuhin ang pagtakas.
Ipinag-utos ni BJMP Chief Jail Director Allan Iral ang pagsasagawa ng malalimang imbestigasyon tungkol sa insidente kung saan ay isinailalim na rin sa Red Alert ang buong BJMP CARAGA.